
Isinusulong ng Department of Education (DepEd) ang mga reporma sa school calendar, kabilang ang paglipat sa trimester system.
Bahagi ito ng holistic approach ng ahensya upang matiyak ang mas maayos na distribusyon ng oras para sa academic, co-curricular, at extracurricular activities.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, sa ilalim ng panukala ay magkakaroon ng mas mahahaba at mas flexible na panahon ng pagtuturo, mababawasan ang workload ng mga guro, at mapapataas ang kalidad ng pagtuturo.
Sa trimester system, hahatiin ang school year sa tatlong academic terms.
Sa panukalang school calendar para sa School Year 2026–2027, ang 201 school days ay hahatiin sa tatlong termino, na bawat isa ay magkakaroon ng mas mahahabang araw ng pagtuturo.
Magkakaroon din ng nakatakdang breaks sa pagitan ng mga termino upang mabigyan ng sapat na oras ang mga guro para sa lesson planning, pagsusuri ng outputs, at iba pang professional tasks na makatutulong sa mas epektibong pagtuturo.
Batay sa proposed calendar framework, magsisimula ang klase sa unang bahagi ng Hunyo.
Ang unang trimester ay tatakbo mula Hunyo hanggang Setyembre; ang ikalawa ay mula Setyembre hanggang Disyembre; at ang ikatlo ay mula Enero hanggang huling bahagi ng Marso.
Sa bawat termino, magkakaroon ng instructional block na may 54 hanggang 61 araw na nakatuon sa dekalidad na pagtuturo, na may limitadong pagkaantala mula sa non-academic activities.
Mayroon ding enrichment block na ilalaan para sa remediation at enrichment activities, pag-compute ng grades, paghahanda at pag-check ng school forms, at wellness break.










