Bitak sa bumbunan, saksak sa dibdib, saksak sa tagiliran, hiwa sa kanang pisngi, at pitpit na palad ang mga sugat na nakita ng embalsamador ng Carbonnel Funeral Homes Cauayan City sa katawan ng isa sa mga umanoy nakaengkuwentrong NPA ng mga pulis sa San Nicolas, Pangasinan.
Sa mga larawang nakuha ng RMN Cauayan News Team mula sa Carbonnel Funeral Homes ay makikita ang mga naturang mga pinsala sa katawan ni Marcelo C. Perico, 46 anyos, negosyante at residente ng District 1, Cauayan City na ayon sa mga kaanak ay napunta lamang sa San Nicolas, Pangasinan upang mag treasure hunting.
Ayon kay Rebecca Valdez, kapatid ng namatay sa ginawang panayam ng RMN News Team sa mismong tahanan ng mga Perico sa District 1,Cauayan City, nagtataka at tuliro ang pamilya sa balitang sa labanan namatay ang kanilang kaanak samantalang ni isang tama ng bala sa katawan ay wala itong natamo.
Tuliro ngayon ang pamilya kung kanino sila lalapit upang mahingan ng tulong para malaman man lang sana kung paano namatay ang kaanak na kanilang natitiyak na hindi ito kasapi ng NPA.
Naikuwento pa sa RMN News Team na noong Agosto 14, 2017 ay kumuha ng barangay clearance at sedula sa Barangay Hall ng District 1, Cauayan City si Marcelino Perico para sa kanyang maayos na pagkakakilanlan. Nagawa pa nitong makatawag sa kanyang asawa na si Lolita Perico noong Agosto 24, 2015 para batiin siya ng kanyang kaarawan.
Magugunitang iniuwi noong Linggo, Agosto 27, 2017, ang bangkay ni Marcelino Perico mula sa Carbonnel Funeral Homes sa Tayug Pangasinan nang wala man lang papeles na galing sa lokal na pamahalaan ng San Nicolas, Pangasinan kung saan doon umano nangyari ang bakbakan sa pagitan ng PNP at NPA.
Sa spot report ng PNP Pangasinan na may petsang Agosto 25, 2017, kanilang itinala na ang magkakasamang kasapi ng tropa ng RPSB1, R2, S2, Pangasinan PPO at Pangasinan PPSC bandang alas 5:20 ng hapon, Agosto 25, 2017 habang nagsasagawa sila ng combat clearing operations sa Barangay Malico at Sta Maria, San Nicolas ay nagkaroon ng engkuwentro at nagdulot sa pagkamatay ng tatlong umano’y NPA at pagkakumpiska ng mga materyales gaya ng IED, baril, dalawang cellphone, kawad at iba pa.
Kasama sa umano’y namatay sa engkuwentro ay si Crisologo Alambra, 59 anyos, may asawa at residente ng Barangay Luna, Lupao, Nueva Ecija at isa pang hindi nakikilalang indibidwal