Wednesday, April 15, 2026

Umano’y ‘term-sharing’ deal sa 2025 ng Marcos-Duterte, itinanggi ng Palasyo

Ipinauubaya na ng Malacañang sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pag-iimbestiga sa ibinunyag ni self-confessed aide Ramil Madriaga kaugnay ng umano’y tangkang pagpaslang at planong pagpapatalsik kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa pagdinig ng Kamara, isiniwalat ni Madriaga ang umano’y kasunduan sa pagitan ng kampo ng Marcos at Duterte na bababa sa puwesto ang pangulo pagsapit ng 2025, o kung hindi ay puwersahang papaalisin ito.

Pero ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi na rin bago ang ganitong mga pagbabanta sa buhay ng pangulo.

Iginiit din ni Castro, na nagulat ang pangulo sa alegasyong napagkasunduan na magbibitiw siya sa puwesto.

Hindi aniya tumakbo ang pangulo para isuko ang posisyon kundi upang maglingkod, at nananatili ang kaniyang pangakong tapusin ang termino para sa bayan.

Kaugnay naman ng panawagan ni Senador Imee Marcos na iwasto ang umano’y maling pahayag at ang alegasyong ginagamit lamang si Madriaga ng mga pulitiko, sinabi ng Palasyo na mahalagang marinig ang panig ng lahat ng testigo at hayaang lumabas ang katotohanan bago maghusga kung alin ang totoo at hindi.

Facebook Comments