
Binuweltahan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pahayag ng China kaugnay sa nadiskubreng pagtatapon ng cyanide sa paligid ng BRP Sierra Madre.
Ayon kay PCG Spokesperson Rear Admiral Jay Tarriela, ang pahayag ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Guo Jiakun ay tangkang pagbaluktot ng katotohanan at iwasan ang responsibilidad.
Masusi aniyang sinuri ng National Bureau of Investigation (NBI) ang cyanide testing sa pamamagitan ng forensic at scientific protocols.
Nagmula raw ang resulta sa laboratory analysis ng mga boteng narekober mula sa mga barko ng China na nag-o-operate sa lugar.
Bukod dito, muling iginiit ni Tarriela na nasa loob ng ating Exclusive Economic Zone (EEZ) ang Ayungin Shoal at mayroon tayong karapatan na protektahan ang marine resources.
Ayon pa sa opisyal, kung may bansang patuloy na sumisira sa marine environment sa West Philippine Sea (WPS) ay walang iba kundi ang China lalo na sa pamamagitan ng kanilang illegal reclamation at pagtatayo ng isla sa lugar na nagresulta sa pagkasira ng coral reefs, pagkamatay ng mga isda at ng ecosystem.
Ang pagdadala aniya ng mga toxic substances ng mga barko ng China ang tunay na nagdudulot ng banta sa karagatan at hindi ang presensya ng Pilipinas sa BRP Sierra Madre na nasa Ayungin Shoal.
Una na kasing tinawag ng China na walang kredibilidad ang ulat ng paggamit ng cyanide at ang mga Pilipino pa raw ang nang-harass sa kanilang mga mangingisda.










