
Binanatan ni Kamanggagawa Partylist Representative Eli San Fernando ang pagprayoridad ng gobyerno sa pamumudmod ng pansamantalang ayuda sa mga manggagawa sa halip na magpatupad ng nararapat na umento sa sahod.
Para kay San Fernando, ang ganitong polisiya ng mga economic managers ay insulto sa mahigit limang milyong minimum wage earners sa bansa.
Reaksyon ito ni San Fernando sa sinabi ni Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) Director Desiree Joy Narvaez sa House Deca Tri Committee hearing na ang polisiya ng kasalukuyang administrasyon ay nakatuon sa pagbibigay ng subsidiya sa halip na suportahan ang panukalang 200-pesos na increase sa arawang sweldo.
Giit ni San Fernando, isa ring pambabastos sa mga ordinaryong manggagawa ang panukalang 1,500 pesos na subsidy na pumapatak na 50 pesos kada araw sa loob ng isang buwan.










