Unang Positibong kaso ng COVID-19 sa Alcala, ‘Balik-Probinsya’ Program Beneficiary

Cauayan City, Isabela- Kinumpirma ni Mayor Cristina Antonio ng Bayan ng Alcala sa Lalawigan ng Cagayan na may limang (5) nakasabayan ang nagpositibong pasyente matapos magrenta ng pribadong sasakyan na kanilang ginamit pauwi ng probinsya.

Ayon sa pahayag ni Mayor Antonio, agad namang dumiretso sa Bayan ng Sta. Ana ang limang nakasabayan nito na patuloy na pinaghahanap ng mga health authorities para mapigilan ang pagkalat ng nasabing sakit.

Dagdag pa niya, nasunod naman lahat ng health protocols bago makauwi ang pasyente at kanyang misis dahil sa napasailalim pa ang mga ito sa quarantine period sa Metro Manila bago mabigyan ng mga dokumentong magpapatunay sa tunay na estado ng kanilang kalusugan.


Giit pa ng alkalde, kasama sa programang ‘Balik-Probinsya’ ang mag-asawa at mga nakasabayan nito.

Hinala tuloy ni Antonio na posibleng nakuha ang sakit ng pasyente sa himpilan ng pulisya kung saan batay umano sa salaysay ng pasyente ay maraming tao ang kumukuha ng travel authority pauwi ng mga probinsya.

Samantala, hiniling naman nito sa pamahalaan na suriin ang ilang hakbangin sa pagkuha ng mga dokumento dahil sa dagsa ng kumukuha ng travel authority.

Kinakailangan naman na sumailalim sa rapid test ang lahat ng magbabalak umuwi sa nasabing bayan.

Ipinag-utos na rin ang pagsasailalim sa lockdown ng compound kung saan kabilang ang nagpositibong pasyente sa Brgy. Tupang, Alcala, Cagayan.

Facebook Comments