UPDATE: Isabelinong OFW na Tinorture sa Abu Dhabi, UAE, Nabigyan ng Tulong Mula sa DOLE at Pamahalaang Panlalawigan!

*San Mateo, Isabela- *Binigyan na ng tulong ng Pamahalaang Panlalawigan at DOLE si ginang Merly Rivera ng San Mateo, Isabela matapos torturin ng kanyang amo sa Abu Dhabi, UAE na naging sanhi ng kanyang pagkabulag at pagkakaroon ng maraming peklat.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Ms. Crisanta Ebe, ang kamag-anak ni ginang Merly na magbibigay ng dalawang daang libong piso si DOLE Secretary Silvestre Bello III at magbibigay rin umano sina Isabela Governor Faustino “Bojie” Dy III at Vice-mayor Tonypet Albano ng tulong pangkabuhayan, health benefits at wheelchair.

Sa ngayon ay inaayos na ng kamag-anak ni ginang Merly ang mga dokumento upang makuha ang mga tulong na ibinigay ng mga nasabing opisyal.


Magugunita na nitong ika-labing apat ng Hulyo ay umuwing bulag si ginang Merly at ayon sa kanyang kwento, binuhusan siya ng kanyang among arabo at Indonesian ng mainit na tubig sa kanyang mukha, inipit ang kanyang mga daliri sa pintuan, iniuntog ang ulo sa pader, pinupukpok ng sandok ang kanyang mga paa at nilagyan ng henna ang kanyang mga pasa at peklat upang hindi raw makita.

Nanghina at nagkasakit umano si ginang Merly matapos siyang torturin ng kanyang amo kaya’t inihatid na lamang umano siya ng kanyang amo sa airport upang pauwiin dito sa Pilipinas.

Facebook Comments