*Santiago City, Isabela-* Natukoy na ng Santiago City Police Station 1 ang suspek sa pagkamatay ng tatlong taong gulang na bata na natagpuang palutang-lutang sa isang irrigation canal kahapon sa brgy. Rizal, Santiago City, Isabela.
Kinilala ang suspek na si Roland Domingo, bente kwatro anyos, binata, isang helper at residente ng nasabing barangay.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Chief Inspector Rolando Gatan, hepe ng presinto uno ng PNP Santiago City, ipinagbigay alam umano ng isang confidential informant ang huling pagkakakita sa biktima na si Ronalyn Mando Braga kasama ang suspek na si Domingo.
Ayon naman umano sa ulat ng mga magulang ng biktima, noong Oktubre katorse pa umano nawawala ang kanilang anak at nakita na lamang kahapon na palutangt-lutang sa nasabing irigasyon.
Kusa naman umanong umamin at sumuko sa mga pulis ang suspek ng siya ay puntahan ng mga rumespondeng pulis sa brgy Sagana kung saan sinabi nito na habang sila ay nag-iinuman ng ama ng biktima na si Ronald Braga ay ipinag-utos umano nito na patayin ang kanyang anak.
Inihayag pa ng suspek na matapos nitong sakalin ang bata ay mismong tatay umano ng biktima ang nagtapon sa bangkay nito sa nasabing irigasyon na itinatanggi naman ng ama ang nasabing akusasyon.
Kaugnay nito ay nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang kapulisan hinggil sa naging pahayag ng suspek sa pagkamatay ng biktima habang inihahanda naman ng kapulisan ang kasong Murder laban kay Roland Domingo.