US citizenship at libel case ni DSWD Secretary Tulfo, hindi dapat maging isyu sa CA

Hindi kailangang maging isyu sa Commission on Appointments (CA) ang naungkat na conviction sa apat na bilang ng kasong libelo at ang US citizenship ni DSWD Secretary Erwin Tulfo.

Sa panayam ng media kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, ang libel case ni Tulfo ay inihain ng taga-pribadong sektor at ito ay maaari pang maisaayos at mapagkasunduan.

Dahil mula sa private sector ang naghabla ng kaso sa kalihim noong ito ay journalist pa, sa tingin ni Pimentel ay hindi ito makakaapekto sa kaniyang appointment.


Pagdating naman sa usapin ng kaniyang citizenship, natuklasan na mismong ang United States Government ay hindi kinikilala si Tulfo na kanilang mamamayan, nangangahulugan na hindi nawala ang Filipino citizenship nito kaya wala ring isyu.

Maaaring sa ‘point of view’ ni Tulfo ay American citizen siya pero ang dapat na mabigat na ikonsidera rito ay kung tinanggap siya bilang mamamayan ng Estados Unidos.

Posible aniyang nag-apply si Tulfo para maging US citizen at maaring hindi ito naaprubahan lalo na kung hindi naman kumpleto ang mga dokumento o sa iba pang kadahilanan.

Matatandaang nito Martes ay naipagpaliban ang kumpirmasyon sa ad interim appointment ni Tulfo matapos na matalakay ang libel case at US citizenship nito at ang pagiging kasapi ng US army.

Facebook Comments