USEC Egcho ng Presidential Task Force on Media Security, Pinabulaanan ang Labing Dalawang Nasawi na Mamamahayag sa Duterte Administration!

Cauayan City, Isabela – Pinabulaanan ni USEC Jowel Egcho, Executive Director ng Presidential Task Force on Media Security na walang katotohanan ang naging pahayag ng National Union of Journalists of the Philippines o NUJP na ang administrasyong Duterte ang may pinakamalaking bilang ng mga mamamahayag na pinaslang sa loob lamang ng dalawang taong panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa katunayan umano ay dalawa lamang ang nasawi na may kaugnayan sa pagiging mamamahayag ng mga ito at walang basehan na media related ang sampung nasawi.

Aniya karamihan sa mga nasawi ay walang kaugnayan sa kanilang mga trabaho kung saan inilalahat lamang ito ng NUJP sa kanilang naging ulat sa katatapos na 10th NUJP National Congress.


Paliwanag pa ni USEC Egcho na wala namang kinikilala ang NUJP na gobyerno ng Pilipinas sa kabila na media partners ito ng Media Security ng bansa.

Mungkahi ni USEC Jowel Egcho na huwag isisi lahat sa pangulo at mas mainam na makibahagi na lamang ang NUJP sa paggawa ng solusyon dahil ito na ang panahon na mag-sama sama sa pagresolba ng problemang pagpaslang sa mga mamamahayag ng bansa.

Iginiit pa ng opisyal na hindi mareresolba ang maruming pulitika, korapsyon at marupok na media kung idinadaan lamang ito sa paraang propaganda.

Facebook Comments