Hindi na ikinagulat ni Opposition Senator Leila de Lima ang deriktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag ilabas sa publiko at sa human rights groups ang lahat ng record ng Philippine National Police (PNP) ukol sa drug war.
Naniniwala si De Lima na ang aksyon ni Pangulong Duterte ay bunga ng takot nitong mabunyag ang katotohanan na utos umano nito ang mga nangyaring extrajudicial killings sa ilalim ng war on drugs.
Katwiran ni Pangulong Duterte, hindi maaring ilabas ang lahat ng drug war record dahil may national security issue at kailangan pang manatiling confidential ng impormasyon ukol sa ilang personalidad.
Diin ni De lima, kapag nalantad ang mga record ay hindi lang mabubunyag ang naging mga paglabag ng awtoridad kundi makikita rin na dahil sa pag-udyok at pagkunsinti ni Pangulong Duterte ay lumalala ang karahasan, pag-abuso at brutal na pagpatay ng kapulisan.
Kinukwestyon din ni De Lima kung bakit kailangan pang magpaalam ng Department of Justice (DOJ) para imbestigahan ang krimen na naganap kahit pa PNP ang may sala.