Valley Cops “Tokhangers” Nagsimula Na

Camp Marcelo A. Adduru, Tuguegarao City, Cagayan – Kasabay ng iba’t ibang PNP Units sa bansa ay inumpishan na kahapon, ika- 29 ng Enero 2018 ang pagbabalik ng Oplan Tokhang sa Rehiyon Dos.

Sinabi ni PRO2 Regional Director PCSupt Jose Mario M Espino na nakahanda na ang pwersa ng kapulisan na tututok sa naturang kampanya.

Sa katunayan, noong araw ng Sabado, ika-27 ng Enero 2018 ay pinulong ni PSSupt Jeremias E Aglugub, Chief ng Regional Operations and Plans Division ang mga Deputy Provincial Director for Operations, hepe ng Provincial Intelligence Branch, Provincial Operations Branch at Police Community Relations Branch mula sa iba’t ibang Police Provincial Office at City Police Office sa rehiyon.


Kaugnay nito ay tiniyak ni RD Espino na sa ilalim ng bagong PNP Supplemental Operational Guidelines sa pagpapatupad ng tokhang ay magiging matagumpay ito.

Aniya ay wala ring malalabag na karapatang pantao sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency 2, Local Government Units at Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC).

Nakapaloob sa bagong panuntunan ang proseso ng pagpapatupad ng tokhang ang transparency sa operasyon kung saan pinapayagan ang media na i-cover ang mga kaganapan.

Base sa Directorate for Intelligence watchlist ng PNP, ang Lambak Cagayan ay may kabuuang 636 na drug personalities na isasailalim sa tokhang.

Pinakamalaking bilang ang Isabela na may 288, sumunod ang Cagayan na may 176, Santiago City na may 85, habang 71 sa Nueva Vizcaya at 16 naman sa Quirino.

Tanging ang Batanes ang may malinis na record pagdating sa iligal na droga.

Ang tokhang ay pratikal at makatotohanang pamamaraan ng PNP para sa mabilisang pagtugon sa problema hinggil sa droga sa mga apektadong barangay kung saan ay matiyagang bibisitahin ng mga awtoridad ang mga drug personalities na sumuko at kumbinsihin ang mga ito na talikuran na ang pagkakasangkot sa droga.

Facebook Comments