Benito Soliven, Isabela – Dapat respetuhin at kilalanin ang karapatan ng kababaihan.
Ito ang naging mensahe ni Police Senior Inspector Joel Bumanglag, hepe ng PNP Benito Soliven, Isabela kaugnay pa rin sa kanilang kampanya at pagpapalaganap ng impormasyon para sa karapatan ng mga kababaihan at kabataan.
Ayon sa hepe, bagamat may mga insidente na naitatala kaugnay sa mga paglabag ng ilang mga kalalakihan sa mga karapatan ng mga kababaihan ay maituturing pa ring mababa ang mga kaso sa kanyang bayan sapagkat alam na rin umano ng mga kalalakihan na mahigpit ang batas kaugnay sa paglabag sa karapatan ng mga babae na RA 9262 o VAWC Law.
Sa panayam ni RadyoMaN John Soriano ng RMN Cauayan News kay Bumanglag ay kanyang ibinahagi ang madalas na sitwasyon na kung saan ay pinapatawad ng mga babae ang mga bumiktima sa kanila na kanilang asawa o kinakasama.
Dahil dito, madalas ay hindi umaabante sa korte ang mga kaso na kanilang pinaghirapan.
Sa ngayon ay nagpapamahagi ang kapulisan ng Benito Soliven ng mga leaflets kung saan nakasaad ang mga karapatan ng mga kababaihan upang lalo pang mapalawig ang kaalaman ng marami kaugnay sa batas na ito.
Hinikayat naman niya ang mga mamamayan na agad isumbong sa kanilang himpilan and anumang uri ng pang-aabuso say mga bata at kababaihan.