Natapos na ng Department of Information and Communications Technology o (DICT) ang VaxCertPH information technology system na kayang mag-isyu ng vaccination certificates.
Ayon kay Information Undersecretary for Digital Philippines Emmanuel Rey Caintic, maaari nang gamitin ng mga business establishment at border officers ang mobile verifier application.
Aniya, gagamitin ito bilang pang-scan at pang-verify ng authenticity ng VaxCertPH vaccine certificates.
Maaari aniyang ma-download ang VaxCertPH verifier application sa Apple App Store at kalaunan ay sa Google App Store.
Nauna nang sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na inaprubahan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang rekomendasyong buksan ang digital vaccination certification system para sa domestic use, na dating limitado lamang sa mga outbound migrant worker.
Ang DICT system ay kailangan para sa pagtatala, databasing at inokulasyon ng mga impormasyon kaya’t marapat gamitin ng lahat ng lokal na pamahaalaang walang ginagamit na electronic vaccine administration system.