Pinaguusapan ngayon sa social media ang kalagayan ng isang binata mula sa India na mayroong werewolf syndrome.
Sa video post ng Born Different Facebook page, makikita ang lalaki na punong-puno ng buhok ang kanyang mukha.
Ayon sa ulat ng isang local news agency sa India, kinilala ang bata na si Lalit Patidar, 13 taong gulang, residente ng Ratlam, Madhya Pradesh. Tinamaan ito ng congenital hypertrichosis nung siya ay pinanganak.
Madalas binubully si Patidar dahil sa kakaibang kondisyon at madalas tawaging unggoy o multo sa mga dinadayong lugar.
Hiling ng binata, huwag siyang pandirihan o katakutan dahil kagaya ng ibang bata, gusto niya din mabuhay ng maayos at pangarap tulungan ang magulang kapag nakatapos ng pag-aaral.
Ang hypertrichosis o “werewolf syndrome” ay paglago ng sobrang daming buhok maging sa parte ng katawan na dapat hindi na tinutubuan nito. Ayon sa mga eksperto, wala pang gamot para sa karamdamang ito. Maaring sumailalim sa hair removal para matanggal ang kalabisan na buhok.
Umabot na sa mahigit five million views ang eye-opener story ng bata.