Tiniyak ni House Committee on Health Chairman at Quezon Rep. Angelina “Helen” Tan na may pondo nang nakalaan para sa pagtatatag ng Virology Institute of the Philippines (VIP) sa bansa.
Ayon kay Tan, aabot sa P283 million ang tiyak na pondo para sa paglikha ng VIP matapos na makalusot sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 9559.
Ang halagang ito ay kasama na sa 2021 National Expenditure Program (NEP) na kinumpirma ni Department of Science and Technology (DOST) Secretary Fortunato dela Peña.
Bukod dito, may kautusan na rin si Pangulong Rodrigo Duterte na isama ang pondo para sa VIP sa panukalang 2022 national budget.
Sinabi ni Tan na sa ilalim ng panukala, bubuo ng isang VIP na tututok sa “key development areas” sa virology science and technology applications sa mga halaman, hayop, at mga tao.
Pag-aaralan din dito ang detection at limitasyon sa pagkalat ng virus gayundin ang makalikha ng bakuna bilang long-term protection at gamot.