Voter’s education, nais ng COMELEC na maisama sa K-12 Program

Balak ng Commission on Elections (COMELEC ) na isama ang “voter’s education” sa curriculum ng K-12 Program ng Department of Education (DepEd).

Layon nito na sa murang edad ay matututunan na ng mga bata ang tamang paraan ng pagboto sa eleksyon.

Sa ikalawang araw ng National Election Summit, sinabi ni COMELEC Commissioner George Garcia na maaaring maumpisahan ang pagtuturo nito kahit sa mga mag-aaral sa kinder level.


Tiniyak naman ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte na bukas siya sa pagsama nito sa sistema ng edukasyon sa bansa.

Hiniling naman ni Duterte sa COMELEC  na kung maaaring i-advance na nito ang pagbabayad ng ‘honorarium’ sa mga guro na magsisilbi sa darating na mga halalan.

Ito ay dahil sa madalas ireklamo ng mga guro ang pagkakaantala ng pagbabayad sa kanila tuwing halalan.

Sinabi naman ni Garcia na ginawa na nila ito noon nang magbigay sila ng 50% advance sa mga guro, ngunit marami aniya sa mga nabayaran ng advance ay hindi sumipot sa araw ng halalan.

Facebook Comments