Tinupad ni presidential aspirant Vice President Leni Robredo ang kanyang pangako sa mga nasalanta ng super typhoon “Odette” na siya ay babalik para makatulong sa kanilang muling pagbangon.
Kahapon, ika -28 ng Disyembre ay nagtungo ang Bise Presidente sa Bohol at Dinagat Islands na pinadapa ng napakalas na ulan at hangin na dala ni “Odette”. Muli siyang nag-ikot, kinumusta ang mga nasalanta, at nakipagpulong sa mga lokal na lider para sa kanilang rehabilitation efforts.
Sa isang Facebook post kahapon ay binahagi ni VP Leni ang mga nakalap na tulong para sa mga nasalanta ng bagyo.
“Ang mga in-kind donations sa Tanging Yaman Foundation sa tulong ng Robredo People’s Council, nakapagpadala ng 16,164 food packs, 74,121 liters of water, at 15,357 sacks of rice sa mga apektadong lugar. Bahagi na rito ang mga paunang food packs at rice sacks na pinondohan ng OVP,” ayon kay VP Leni.
Dagdag pa niya na tuloy-tuloy ang paghatid ng mga food packs at supplies sa Surigao del Norte, Dinagat Islands, Siargao Island, Bohol, Leyte, Negros Occidental, Negros Oriental, Palawan at Cebu sa tulong ng Philippine Navy, Philippine Coast Guard, Philippine Air Force, Philippine Airlines, Inc., Truckers for Leni, Seafarers for Leni, at mga pribadong kumpanya.
“Nuong ika- 27 ng Disyembre ay umabot na sa mahigit Php 27 million cash donations ang natanggap ng Tanging Yaman Foundation, maliban pa sa dumagsang in-kind donations sa volunteer center dahil sa inyong generosity,” sabi ni VP Leni. Ang volunteer center na tinukoy ni VP Leni ay ang relief hub sa Katipunan, Quezon City.
Ang mga volunteers din ni VP Leni sa ilalim ng Robredo’s People Council sa iba’t ibang panig ng bansa ay patuloy din ang pagtulong sa mga nasalanta ng bagyo nuong Pasko at ngayong papalapit na ang bagong taon.
Sila ay nagpalugaw, namigay ng pang-noche buena solar lights, masks, hygiene kits, first aid kits, at relief packs sa mga barangay, munisipalidad, at siyudad sa mga probinsya tulad ng Eastern Samar, Guimaras, Negros Oriental, Negros Occidental, at Cebu.
“Wala talagang pinipiling araw ang pagpapakita ng nagkakaisang husay at tibay ng mga Pilipino,” ayon sa Dapat si Leni chapter sa Negros Oriental. [End]