VP Robredo, hinihingan ng mas magandang programa kontra iligal na droga

Hinamon ni House Speaker Alan Peter Cayetano si Vice President Leni Robredo na maglatag ng mas magandang programa para labanan ang iligal na droga sa bansa.

Ang payo ay kasunod ng pahayag ni VP Robredo na palpak ang war on drugs ng Duterte administration.

Ayon kay Cayetano, mahigit 80% ng mga Pilipino base sa mga survey ang naniniwalang mas nakabuti ang implementasyon ng war on drugs.


Mas marami na aniya ngayon ang natatakot na pumasok sa kalakaran ng ilegal na droga dahil sa ginagawang kampanya ng pamahalaan.

Hamon ni Cayetano kay Robredo, kung sa tingin niya ay hindi epektibo ang programa ng pamahalaan ay maglatag ito ng mas magandang programa kaysa batikusin ang drug war tulad ng ginagawa ng Kongreso na pagpapalakas sa rehabilitation centers, crime laboratories, sports at iba pang hakbang.

Pinayuhan din nito si Robredo na mag-ingat sa mga binibitawang salita kaugnay sa war on drugs campaign ng administrasyong Duterte.

Una nang iginiit ni Robredo na kailangang i-reassess ng gobyerno ang kampanya laban sa ilegal na droga dahil bigo ito na ibaba ang bilang ng mga gumagamit ng droga sa bansa.

Facebook Comments