Pinapatigil na ni Senator Imee Marcos ang walang ingat na pangungulekta ng mga mobile phone numbers para sa contact tracing.
Puna ni Marcos, sa nakabuyangyang lang na mga papel inililista ang mga personal na impormasyon bago payagan ang isang tao na makapasok sa mga bangko, mga supermarket at iba pang mga establisimyento.
Diin ni Marcos, nagiging daan lang ito para malantad ang publiko sa mga scammer.
Mungkahi ni Marcos sa mga business establishments gumawa ng mas pribadong pamamaraan ng pagsasagawa ng contact tracing, lalo na para sa mga mobile phone user na walang app para makagawa ng QR codes.
Kaugnay nito ay iginiit din ni Marcos sa National Telecommunications Commission (NTC) at National Privacy Commission (NPC) na agarang lutasin ang patuloy na paglobo ng cybersecurity attacks sa publiko sa pamamagitan ng spam messages.
Ayon kay Marcos, dapat makalikha ang NTC at NPC kasama ang mga telco companies, mga bangko at online shopping platforms ng isang sistema na makakaharang sa spam messages para wala nang makatanggap nito.