“Walk-in vaccination” para sa mga senior citizens, PWDS, at may mga comorbidities, dapat payagan sa lahat ng vaccination sites

Umapela si Senior Citizen Partylist Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes na payagan na ang “walk-in vaccination” sa mga senior citizens, persons with disabilities (PWDs) at mga may comorbidities sa lahat ng vaccination sites sa bansa.

Ito ay dahil marami sa mga kabilang sa nasabing sektor ay hindi marunong sa paggamit ng gadget at wala namang access sa internet.

Naniniwala si Ordanes na ito marahil ang isa sa dahilan kung kaya’t nasa mahigit 1 milyong matatanda pa ang hindi pa nababakunahan kahit man lang ng first dose.


Ayon sa kongresista, may ilang Local Government Unit (LGUs) naman ang pinapayagan ang walk-ins ngunit marami pa rin ang ipinipilit ang sistema na magparehistro sa online at hintayin ang schedule.

Dahil kailangan pang maghintay at karamihan sa mga matatanda ay hindi “techie” ay nawawalan na ng gana ang mga seniors maging ang mga PWDs na magpabakuna ng COVID-19 vaccine.

Punto pa ng mambabatas, ang online access ay pangunahing problema na ng mga LGUs hindi lang sa vaccine registration kundi kahit sa pamamahagi ng ayuda ngayong pandemya.

Facebook Comments