Cauayan City, Isabela – Natagpuan kahapon sa loob ng imburnal ang lalaking wanted dahil sa kasong murder sa Barangay Distict 1, Cauayan City, Isabela.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Police Chief Inspector Jane Abigail Bautista, pinuno ng Administration Section sa Cauayan City Police Station na nakita umano ng isang traysikel drayber ang suspek na iwinawagay-way ang kamay sa butas ng imburnal kung kayat inireport na ito sa kapulisan.
Aniya, ang lalaki na tatlong araw nang nasa loob ng imburnal ay kinilalang si Ernesto Tapaoan, 58 taong gulang, may asawa, residente ng Sta. Cruz, Ballesteros, Cagayan na may kasong murder at isa sa top most wanted sa bayan ng San Agustin, Isabela.
Hinuli si Tapaoan sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni hukom Bonifacio T. Ong ng RTC Branch 24 ng Echague sa kasong murder na may nairekomendang dalawang daang libong piso para sa pansamantalang kalayaan nito.
Ang pagkakahuli kay Tapoan ay sa pangunguna ng ilang kapulisan ng Cauayan City Police Station at sa pangangasiwa ni Police Senior Inspector Ian Bumanglag, hepe ng San Agustin Police Station.
Sa ngayon ay nasa pag-iingat na ng PNP San Agustin si Ernesto Tapoan para sa kaukulang disposisyon.