Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay City Nutrition Officer Mary Jane Yadao, patuloy aniya ang kanilang pagsasagawa ng Feeding Program sa bawat barangay dito sa Lungsod sa pamamagitan ng mobile kitchen ng City Food Bank.
Ayon kay Yadao, karamihan sa mga nagbubuntis ngayon dito sa Cauayan City ay mga kabataan kung saan naniniwala siya na wala pang gaanong alam ang mga ito sa tamang nutrisyon sa pagbubuntis at kung paano nila aalagaan ng mabuti ang kanilang magiging anak.
Sinabi pa ng City Nutritionist na mas dumami ngayon ang mga Teenage pregnant women sa Lungsod kumpara sa mga naitalang kaso noong mga nagdaang taon dahil na rin sa pandemya.
Kaugnay nito, lalo pang pinalakas ang kanilang Feeding program sa bawat barangay kung saan nagkakaroon na ng lecture sa mga participants pangunahin na sa mga buntis kaugnay sa tamang pag-aalaga ng kanilang sarili; mga dapat kainin habang nagdadalang tao; kung paano maghanda ng masustansyang pagkain para sa baby o anak, oral hygiene at lecture sa tamang pagpaplano ng pamilya.
Sa pamamagitan ng kanilang Nutrition Education classes lalo na sa mga buntis ay magagabayan ang mga ito sa kung paano nila paghahandaan ang kanilang panganganak at pagpapalaki sa kanilang anak o magiging supling ng malakas at malusog. Kasama din aniya sa kanilang pinapakain ang mga senior citizens, PWDs at mga Solo Parent kung saan bahagi pa rin ito ng kanilang Zero hunger advocacy na pangalawa sa ating Sustainable Development Goals.
Sinabi pa ni Yadao na sa pamamagitan ng Mass Feeding program ng City Nutrition Office ay nararamdaman ng taong bayan ang kanilang serbisyo at nagpapakita lamang aniya na mayroon silang pakialam sa nutrisyon at kalusugan ng bawat isa.