Nalampasan na ng National Capital Region (NCR) ang wave ng COVID-19 Omicron subvariants na BA.5 at BA.4.
Ito ang kinumpirma ng isang infectious diseases expert na si Dr. Rontgene Solante, kasunod na rin ng naitala ng OCTA Research Group na bumaba na sa 7.8% COVID-19 positivity rate o bilang ng mga nagpopositibo sa naturang sakit sa NCR.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Solante na patuloy na rin kasi ang pagbaba ng hospital utilization rate; intensive care unit (ICU) occupancy; average daily attack rate (ADAR); growth rate; at reproduction number ng nasabing rehiyon, kung saan mababa na sa 1,000 kaso ang naitatala.
Samantala, kinumpirma rin ni Solante na patuloy ang pagbaba ng kaso ng COVID-19 sa buong bansa.
Ayon kay Solante, pababa na talaga ang trend ng mga kaso, kung saan hindi aniya pumapalo sa higit 2,000 na kaso ang naitatala kada araw.
Umaasa na lamang si Solante na wala ng mga bagong variant of concern o subvariant ng Omicron ang makapasok sa bansa para matuloy-tuloy pa ang pagbaba ng mga kaso hanggang Disyembre.