
Cauayan City – Kinumpirma ng Isabela Provincial Health Office na wala pang naitatalang kaso ng sakit na Mpox sa buong lalawigan ng Isabela.
Sa kabila ng banta ng naturang sakit, tiniyak ng opisyal na mahigpit ang ginagawang pagbabantay ng Pamahalaang Panlalawigan upang mapanatiling ligtas ang mga mamamayan.
Ayon kay Nelson Paguirigan, patuloy ang kanilang isinagawang surveillance at koordinasyon sa mga health workers sa iba’t ibang panig ng lalawigan.
Bahagi ng kanilang hakbang ay ang pag-aaral sa mga posibleng panganib at maagang pagtukoy sa mga sintomas ng Mpox upang maagapan agad ang pagkalat nito kung sakaling makapasok sa rehiyon.
Isa rin sa pangunahing hakbang ng pamahalaang panlalawigan ang mas pinaigting na information dissemination sa mga komunidad. Tinutungo ng mga kawani ng kalusugan ang mga Rural Health Unit at malalayong barangay upang ipaliwanag ang tungkol sa sakit na Mpox, mga sintomas nito, at kung paano ito maiiwasan.
Hinihikayat din ng Provincial Health Office ang publiko na maging mapagmatyag at agad magtungo sa pinakamalapit na health center kung may nararanasang sintomas.









