Nagbigay ng direktiba si Philippine National Police (PNP) Chief General Rodolfo Azurin Jr., sa mga kawani ng 17 police regional offices sa bansa na paigtingin pang lalo ang kampanya kontra illegal firecracker factories and establishments.
Ang pahayag ng PNP chief ay kasunod na rin ng ginawa nitong inspeksyon sa mga pagawaan at nagbebenta ng paputok sa Bulacan, kahapon.
Ayon kay Azurin, target nila ang zero firecracker-related incidents ngayong holiday season.
Kada taon na lamang kasi kasabay nang pagsalubong sa bagong taon ay marami ang napuputukan lalo na ang mga bata.
Kasunod nito, muling nagpaalala ang PNP hinggil sa mga firecracker na maaari lamang ibenta alinsunod na rin sa RA 7183 at EO 28.
Base rin sa batas bawal ang mga paputok tulad ng Watusi; Piccolo; Five Star; Pla-pla; Lolo Thunder; Goodbye Philippines; Goodbye Delima; Bin Laden at iba pa.
Ang pagbebenta ng firecrackers sa labas ng designated firecracker zones ay mahigpit na ipinagbabawal at ang lalabag ay mahaharap sa kaparusahan.
Paalala pa ng PNP sa publiko na manuod lamang sa community firework displays area sa inyong barangay at bawal na magpaputok sa mga bahay-bahay para iwas aksidente.