Dapat ipaglaban ni Pangulong Bongbong Marcos sa gobyerno ng Japan na huwag na patawan ng taripa ang inaangkat nitong saging mula sa atin.
Mungkahi ito ni House Ways and Means Committee Chairman at Albay 2nd district Representative Joey Sarte Salceda para maisalba ang ating banana industry.
Ayon kay Salceda, inalis na ng Japan ang ipinapataw nitong buwis sa inaangkat na saging mula sa Mexico, Peru, Cambodia, at Laos.
Binanggit ni Salceda na ang Japan ay pangunahing merkado para sa banana exports at pangunahin ding kaalyado ng ating bansa.
Paliwanag ni Salceda, kung patuloy na papatawan ng Japan ng taripa ang ating saging ay baka madiskaril ang ating pagiging pangunahing producer ng saging sa buong Asia pagsapit ng 2030.
Diin ni Salceda, ang mataas na taripa gayundin ang high input costs, at competition ay unti-unting pumapatay sa tila nanghihingalo ng banana sector.