
Cauayan City – Sa patuloy na paghahatid ng tulong ng pamahalaan sa mga former rebels sa pamamagitan ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno sa rehiyon, nananawagan ang dating mga miyembro ng kilusan sa kanilang mga kasamahan na magbalik-loob na sa pamahalaan.
Sa eksklusibong panayam ng IFM Newsteam kay Christine Macaspac, dating kasapi ng CPP-NPA-NDF sa lalawigan, ibinahagi nito ang kanyang karanasan at ang pagbabago ng kanyang buhay simula nang siya ay kumalas sa kilusan at magbalik-loob sa gobyerno.
Aniya, namulat siya sa katotohanan noong paulit-ulit siyang hinihikayat ng mga dating kasamahan na muling bumalik at umanib sa kilusan. Sinabi nito na dito niya napagtanto ang sinseridad ng gobyerno pagdating sa pagtanggap sa mga sumusukong rebelde, hindi lamang dahil sa mga tulong na para sa kanila, kundi dahil sa pangalawang pagkakataon na binibigay sa kanilang upang magbagong buhay.
Sinabi nito na hindi dapat matakot ang mga dati niyang kasamahan na sumuko sa pamahalaan dahil maraming tulong ang naghihintay sa kanila para sa kanilang pagbabagong buhay, taliwas sa paniniwala na sila ay pahihirapan at papatayin oras na sumuko sa pamahalaan.
Simula noong siya ay sumuko 5 taon na ang nakakalipas, napagtanto niya na kaya pala niyang magsimula ulit at mamuhay ng payapa na may tiwala sa gobyerno maging sa kanyang sarili.
Hinihikayat ni Christine ang iba pang mga indibidwal na hindi pa kumakalas sa kilusan na sumuko na at piliin ang payapa at maayos na buhay.
Binigyang-diin nito na ang pagsuko ay hindi kaduwagan. Ito ay matapang na hakbang upang talikuran ang maling daan na napili dahil sa panlilinlang tungo sa pagsisimula at pagsalubong sa bagong pag-asa na naghihintay sa kanila.










