
Nasamsam ang tinatayang ₱68,000 halaga ng hinihinalang shabu mula sa dalawang indibidwal matapos ang isinagawang buy-bust operation sa San Fernando City, La Union noong hapon ng Marso 4, 2026.
Isinagawa ang operasyon sa pinagsanib na pwersa ng iba’t ibang anti-drug units sa koordinasyon sa PDEA Region 1, na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang 46-anyos na babaeng negosyante sa San Fernando City at isang 45-anyos na lalaki mula Caba, La Union.
Nakumpiska ang humigit-kumulang sampung gramo ng hinihinalang shabu na nakalagay sa apat na plastic sachet at ang ginamit na buy-bust money.
Isinagawa sa mismong lugar ang pagmamarka at imbentaryo ng mga ebidensya sa presensya ng mga itinakdang saksi at ng mga suspek, alinsunod sa umiiral na batas.
Facebook Comments










