
Cauayan City – Kinilala ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla ang mga suspek sa hazing na kung saan nasawi ang 19 anyos na maritime student sa Cavite.
Sa naging pahayag ni Remulla, nagsumite ng affidavit of confession, ang isang neophyte dahilan upang mapangalanan ang 17 na sangkot sa nasabing insidente na kung saan isa na ang nasa kustodiya, habang dalawa pa ang hindi pa nakikilala.
Ayon sa DILG Secretary, mahaharap ng mga suspek sa kaso ng paglabag a Anti-Hazing Act of 2018 at maglalabas ng “all persons lookout bulletin” laban a mga ito.
Dagdag pa niya, patuloy pa rin ang mga ginagawang hakbang upang mapanagot ang mga responsable sa hazing at nananawagan siya sa fraternity na sana ay mareporma at matigil na ang karahasan sa initiation rites.
Samantala, nagpaabot naman ng pakikiramay ang Tau Gamma Phi spokesperson Martin Asturias, at mariing kinokondena ng kanilang National Council ang nangyaring karahasan patungkol sa naturang insidente.
Nanawagan din ang Tau Gamma Phi sa mga miyembro na sumuko na sa mga awtoridad para sa ikalulutas ng kaso.
Facebook Comments










