IFM DAGUPAN AT MG FISH TRADING NAMAHAGI NG BONELESS BANGUS SA MA. CORRINA CANOY FEEDING PROGRAM

Labis ang tuwa ng mga residente sa Barangay Pantal, Dagupan City matapos maipamahagi sa kanila ang 100 boneless bangus sa isinagawang Ma. Corrina Canoy Feeding Program, kasabay ng pakikiisa sa selebrasyon ng Bangus Festival 2026.

Sa pangunguna ng 104.7 iFM Dagupan, RMN Networks, at RMN Foundation, katuwang ang MG Fish Trading o MG Dagupan Boneless Bangus, matagumpay na naihatid ang programa sa nasabing barangay.

Ayon kay Grace Novelas Delos Reyes, owner ng MG Dagupan Boneless Bangus, layunin ng kanilang pakikiisa na makapaghatid hindi lamang ng pagkain kundi ng tulong na makakadagdag sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga benepisyaryo.

Dagdag pa niya, karangalan para sa kanilang negosyo ang maging bahagi ng programang may malasakit sa komunidad.

Sa ikalawang panayam, ibinahagi ni Delos Reyes na patuloy nilang susuportahan ang mga ganitong inisyatibo, lalo na kung makakatulong ito sa mas maraming pamilya, habang isinusulong din ang kahalagahan ng lokal na produktong bangus ng Dagupan.

Bukod sa 100 boneless bangus, namahagi rin ng mainit na lugaw at pandesal bilang simpleng handog na may kasamang malasakit at tunay na diwa ng bayanihan sa gitna ng pagdiriwang. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙬𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments