
Hindi pa makapagdesisyon si Senate President Tito Sotto III kung susuportahan o hindi ang panukalang batas na inihain ni Senator Imee Marcos na nagsusulong na muling ipagpaliban ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakda sana sa Nobyembre 2.
Sinabi ni Sotto na kanyang pag-aaralan muna ang posibleng maging epekto ng panukala bago siya makapagpasya kung susuportahan ito.
Sa ngayon aniya, hindi pa kabilang sa prayoridad na panukala sa Senado ang panibagong postponement ng BSKE, subalit kung hilingin ito ng Pangulo ay agad nila itong ipapasa.
Sa inihain na Senate Bill 2067 ni Sen. Marcos, sa halip na sa Nobyembre ngayong taon ay iuusog sa Oktubre 2027 ang BSKE, kung saan ipagpapatuloy muna ang pamumuno ng kasalukuyang mga barangay at SK officials.
Isinusulong ni Sen. Imee ang panukala sa pangambang maraming Pilipino ang hindi makakaboto dahil hindi makakauwi sa kanilang mga probinsya bunsod ng mataas na singil sa pamasahe at krudo.
Hiniling din ng senadora na ang ₱16 billion na pondo ng BSKE ay ilaan na lamang muna sa mga programang pantulong sa mga kababayang nangangailangan ngayong nakararanas tayo ng krisis sa langis.










