
Cauayan City – Himas rehas ang dalawang tulak ng ilegal na droga matapos magpositibo sa ikinasang Anti-Illegal Drug Buy-bust Operation sa Bypass Road, Brgy. Sotero Nuesa, Roxas, Isabela.
Sa isinagawang operasyon, nadakip ang mga suspek na kinilalang sina alyas “Jimmy”, itinuturing bilang newly identified High Value Individual, at si alyas “Domingo”.
Nabili ng awtoridad na nagpanggap na buyer ang isang silyadong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Nakuha mula sa pag-iingat ni alyas “Domingo” ang buy-bust money na binubuo ng isang tunay na P1000, at 13 piraso ng pekeng P1000, cellphone, personal na pera nito, powerbank, gunting, lighter, sigarilyo, at mga susi.
Samantala, nakumpiska naman mula kay Alyas “Jimmy” ang isang sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakabalot ng tape at papel, 4 na silyadong plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at nakalagay sa itim na pouch, 3 karagdagang plastic sachet na may lamang parehong kontrabando na nakasilid sa asul na pouch, personal na nga gamit, isang kilohan, lighter, at motorsiklo.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng Roxas Police Station ang mga suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, habang patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matunton ang posibleng mga kasama ng suspek, at ang kanilang operasyon ng paglalako ng ilegal na droga sa Isabela.