
Apat na indibidwal na may kinahaharap na iba’t ibang kaso ang sunod-sunod na naaresto sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya sa iba’t ibang bayan at lungsod ng La Union.
Unang nadakip sa Bangar ang isang 22 anyos na lalaki sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong qualified theft na may inirekomendang piyansang ₱60,000.
Kasunod nito, isang 27 anyos na babae ang naaresto sa Lungsod ng San Fernando dahil sa kasong estafa kaugnay ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act. Ang operasyon ay pinangunahan ng City of San Fernando Police Station kasama ang iba pang yunit. Ang kaso ay may piyansang ₱24,000.
Isa pang suspek ang nadakip sa parehong lungsod. Ang 42 anyos na lalaki na nahaharap sa kasong reckless imprudence na nagresulta sa double serious physical injuries at damage to property, na may piyansang ₱12,000.
Samantala, isang 68 anyos na babae ang inaresto sa Bacnotan, La Union ng Bacnotan Municipal Police Station katuwang ang iba pang yunit. Siya ay nahaharap sa kasong illegal recruitment na may inirekomendang piyansang ₱8,000.
Ang lahat ng mga naarestong indibidwal ay kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang himpilan ng pulisya para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










