Nagsimula nang ipatupad ang magkakaugnay na inisyatiba ng mga district hospital sa La Union upang makatipid sa kuryente at gasolina bilang tugon sa idineklarang pambansang krisis sa enerhiya.
Kabilang sa mga pasilidad na nagpatupad ng naturang mga hakbang ang Naguilian District Hospital, La Union Medical Center, at mga district hospital sa Rosario, Bacnotan, Caba, at Balaoan.
Sa bawat ospital, ipinatupad ang iba’t ibang estratehiya upang mapababa ang konsumo ng enerhiya nang hindi naaapektuhan ang serbisyong medikal. Kabilang dito ang pagbabago sa iskedyul ng trabaho sa mga tanggapan, paglalagay ng mga paalala ukol sa wastong paggamit ng kuryente, at pag-standardize ng paggamit ng air conditioning sa mga hindi kritikal na lugar.
Nilimitahan din ang mga opisyal na biyahe at pinalitan ng mga online na pagpupulong upang mabawasan ang paggamit ng gasolina. Sa ilang pasilidad, inayos ang duty schedule ng mga kawani upang mabawasan ang dalas ng kanilang pagbiyahe, habang hinihikayat naman ang paggamit ng alternatibong transportasyon tulad ng e-bike.
Ilan din sa mga ospital ang nagsasagawa ng karagdagang hakbang tulad ng mahigpit na pagpapatupad ng “switch-off policy” at pag-aaral sa paggamit ng solar energy bilang alternatibong pinagkukunan ng kuryente.
Sa pamamagitan ng mga pagbabagong ito, inaasahang mas magiging praktikal ang paggamit ng enerhiya habang patuloy na naihahatid ang kinakailangang serbisyong pangkalusugan sa mga residente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










