₱10,000 BIRTHDAY CASH GIFT PARA SA SENIOR CITIZENS SA MANGATAREM, PATULOY NA IPINAMAMAHAGI

Patuloy ang isinasagawang mass payout ng birthday cash gift sa bayan ng Mangatarem hanggang Abril 17, 2026 bilang suporta sa mga senior citizens na edad 80, 85, 90, at 95 taong gulang para sa kanilang mga pangunahing pangangailangan.

Ayon sa National Commission of Senior Citizens sa ilalim ng Republic Act No. 11982, ang bawat kwalipikadong senior citizen—maging nasa Pilipinas man o nasa abroad—ay tatanggap ng ₱10,000 cash gift sa bawat nabanggit na edad, at ₱100,000 naman kapag umabot sa 100 taong gulang.

Nagtatakda ang lokal na pamahalaan ng iskedyul kada barangay upang matiyak ang maayos at tuloy-tuloy na distribusyon. Nakasaad dito ang pangalan ng mga benepisyaryo, araw at oras ng payout, at iba pang detalye ng pamamahagi.

Sa pagkuha ng cash gift, kinakailangang ipakita ng mismong senior citizen ang OSCA ID na may tatlong pirma o thumbmark. Kung sa pamamagitan naman ng representative, kailangang magpakita ng authorization letter, kopya ng OSCA ID ng benepisyaryo, at valid ID ng kinatawan na may kaukulang pirma o thumbmark.

Layunin ng programang ito na bigyan ng karampatang pagkilala at tulong ang mga senior citizen, lalo na sa kanilang pang-araw-araw na gastusin gaya ng gamot at iba pang pangangailangan, bilang pagkilala at pagsaludo sa kanilang kontribusyons a komunidad. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments