Tuesday, May 26, 2026

Senador, pina-a-aksyunan sa DTI ang hindi pagtupad ng ilang maliliit na negosyo sa price freeze

Pinakikilos ni Senator Erwin Tulfo ang Department of Trade and Industry (DTI) laban sa mga mapang-abusong negosyanteng lumalabag sa ipinatutupad na price freeze.

Pinuna ni Tulfo na talamak ang hindi pagsunod sa price freeze sa mga maliliit na pwesto sa palengke sa pag-aakalang hindi sila namomonitor ng gobyerno kaya sinasamantala nilang magtaas sa presyo.

Iginiit ng senador na mga ordinaryong mamimili ang dehado rito at wala silang choice kundi pagkasyahin ang kakarampot na budget dahil mga lokal na palengke at groceries ang pinakamalapit na bilihan para sa kanila.

Kinalampag naman ni Sen. Erwin ang DTI na huwag lang umasa sa mga isinusumiteng report sa kanila at magsagawa ng aktwal na on-the-ground inspection upang matiyak ang mahigpit na pagsunod sa batas.

Paliwanag ng senador, ang price freeze ay mahalagang katuwang sa mga hakbang ng gobyerno sa gitna ng krisis dahil kung hinahayaan na manipulahin ang presyo ng bilihin mawawalang saysay ang tulong o ayuda ng gobyerno.

Facebook Comments