₱14-M reward money ibibigay sa mga tipster na naging daan para masukol si Quiboloy at 4 na kapwa akusado nito

Makakatanggap ng ₱14-M na reward money ang mga impormanteng nagbigay ng tip sa Philippine National Police (PNP) na naging daan para madakip si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy at 4 na kapwa akusado nito na sina Jackielyn Roy, Cresente Canada, Ingrid Canada at Sylvia Cemañes sa KOJC Compound sa Davao City.

Ayon kay Philippine National Police Public Information Office (PNP PIO) Chief PCol. Jean Fajardo, napag-usapan na ito kahapon nila PNP Chief Rommel Francisco Marbil, Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos at Police Regional Office (PRO) 11 Regional Director, PBGen. Nicolas Torre III.

Hindi aniya maaaring isapubliko kung sino o sinu-sino ang mga impormanteng ito para na rin sa kanilang seguridad.


Una nang ibinunyag ng PNP na noong Biyernes nagkaroon ng breakthrough sa kanilang paghahanap kay Quiboloy matapos makatanggap ng tip na nandoon lang sa isang partikular na gusali ang pastor at nagpalipat-lipat lamang ng pwesto.

Si Quiboloy ay may ₱10-M patong sa ulo habang tig iisang milyong piso naman ang reward money sa tipster ng 4 na kapwa akusado nito.

Facebook Comments