Matapos ang hagupit ng Bagyong Karding ay nanawagan si Assistant Minority Leader at Gabriela Party-list Representative Arlene Brosas sa Marcos Jr., administration na bigyan ng 15,000 pesos na production subsidy ang mga magsasaka.
Ayon kay Brosas, nasa 1.7 milyong ektarya ng mga pananim ang napinsala ng bagyo sa Luzon base sa huling report ng Department of Agriculture (DA) kung saan 1.5 milyong ektarya rito ay taniman ng palay.
Paliwanag ni Brosas, malaki ang nalugi sa kanila sa Rice Tariffication Law, dagdag pa ang pahirap na dulot ng mahal na presyo ng langis at ngayon naman ay winasak ang kanilang pananim ng bagyo.
Mungkahi ni Brosas, maaring gamitin para sa nabanggit na subsidy ang balanse mula sa contingent fund at ang bahagi ng unprogrammed fund na nakalaan bilang cash assistance sa mga rice farmer.
Dagdag pa ni Brosas, pwede rin itong kuhain sa lump sum items tulad ng doble dobleng support fund para sa Local Government Units at alokasyon sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.
Sabi ni Brosas, kanila ring isusulong na maipaloob sa 2023 budget ang naturang ₱15,000 production subsidy para 9.7 million na magsasaka at mangingisda sa bansa.