
Cauayan City – Kinasuhan si Bayombong Bishop Jose Elmer Mangalinao kasama ang ilang environmental advocates dahil sa kanilang pagtutol sa isinasagawang mining exploration sa bayan ng Kasibu.
Iniuugnay ang mga respondent sa umano’y pagpapanatili ng isang barikada sa loob ng Bugkalot/Ilongot ancestral domain bilang bahagi ng protesta laban sa exploration activities ng North Luzon Minerals Resources Corporation (NLMRC).
Kabilang din sa mga sinampahan ng kaso sina Fr. Christian Dumangeng, anti-mining advocate Florentino “Tinong” Daynos, at iba pang tutol sa pagmimina.
Ayon sa kanilang abogado, maituturing na Strategic Lawsuit Against Public Participation (SLAPP) ang naturang kaso, na aniya’y maaaring gamitin upang takutin o patahimikin ang mga nagsusulong ng mga adbokasiyang pangkalikasan.
Sa kabila ng demanda, nanindigan si Bishop Mangalinao at ang iba pang respondent na ipagpapatuloy nila ang pagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan at pagtatanggol sa mga komunidad na maaaring maapektuhan ng pagmimina.










