Tuesday, June 23, 2026

𝗠𝗚𝗔 𝗕𝗜𝗞𝗧𝗜𝗠𝗔 𝗡𝗚 𝗦𝗨𝗡𝗢𝗚 𝗦𝗔 𝗧𝗨𝗚𝗨𝗘𝗚𝗔𝗥𝗔𝗢 𝗖𝗜𝗧𝗬, 𝗡𝗔𝗞𝗔𝗧𝗔𝗡𝗚𝗚𝗔𝗣 𝗡𝗚 𝗧𝗨𝗟𝗢𝗡𝗚

CAUAYAN CITY-Nagkaloob ng tulong ang Department of Social Welfare and Development Field Office 02 sa walong pamilyang naapektuhan ng sunog sa Brgy. Pengue Ruyu sa lungsod ng Tuguegarao.

Matatandaang limang bahay ang nasunog noong ika-17 ng Hunyo na nagdulot ng matinding pinsala sa tirahan at kabuhayan ng mga residente. Dahil dito, nagsagawa ng relief operation ang ahensya upang matulungan ang mga biktima ng insidente.

Kabilang sa ipinamahaging ayuda ang walong sleeping kits, walong hygiene kits, walong kitchen kits, at walong Family Food Packs (FFPs) para sa mga apektadong pamilya.

Bukod sa mga relief goods, tumanggap din ang bawat pamilya ng tig-₱20,000 financial assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng DSWD.

Patuloy ding nagsasagawa ng assessment ang mga kinauukulang ahensya upang matukoy pa ang iba pang pangangailangan ng mga naapektuhang pamilya matapos ang nasabing insidente.

Facebook Comments