Umabot sa 15 pasahero ng Metro Rail Transit o MRT-3 ang nagpositibo sa unang araw ng random antigen testing.
Ito ay kasunod ng boluntaryong pagpapasailalim ng ilang mga pasahero sa libreng antigen testing bilang bahagi ng pag-iingat ng pamunuan ng Department of Transportation o DOTr at MRT-3 laban sa COVID-19.
Sa kabuuan ay 96 na pasahero ang sumalang sa random antigen testing ng MRT-3 habang libre namang makasasakay ng tren ang 81 na nagnegatibong pasahero.
Isinagawa ang libreng antigen testing sa North Avenue, Cubao, Shaw Boulevard, at Taft Avenue station.
Ang mga nagpositibo ay hindi na pinayagang sumakay ng tren at pinayuhang mag-isolate at makipag-ugnayan sa kanilang mga lokal na pamahalaan.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang random antigen testing sa MRT-3 at magtatagal hanggang Biyernes.