Nakaantabay ang Malacañang sa galaw ng Bagyong Dante, habang patuloy itong kumikilos pa-Norte.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ay una nang nakapagsagawa ng pre-disaster risk assessment.
Una na rin itong nakapagbaba ng mga warning sa mga Local Government Units (LGUs), para sa paghahanda ng mga ito, saka-sakaling kailanganing magpatupad ng preemptive evacuation lalo na sa mga hazard-prone areas.
Habang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ay nakapaghanda na rin ng standby funds na nagkakahalaga ng higit isang ₱1-bilyon, kabilang na ang higit ₱1-milyong halaga ng family food packs.
Ang Philippine Coast Guard (PCG) naman ani Roque ay tumutulong na rin sa mga evacuation at rescue operations sa mga binabahang lugar.
Kaugnay nito, nananawagan ang Palasyo sa publiko na manatiling alerto at makipagtulungan sa mga otoridad at obserbahan pa rin ang minimum public health protocols laban sa COVID-19, kasunod ng pananalasa ng Bagyong Dante.