Sinopla ng regional director ng Philippine National Police-Region 3 ang mga mambabatas na kumukwestyon sa pondo ng National Task Force for End Local Communist and Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa personal na opinyon ng tagapagsalita nito.
Ayon kay Police Brig. Gen. Valeriano de Leon, malaki ang ambag ng pondo ng NTF-ELCAC sa mga komunidad upang tapusin ang terorismo.
Hindi aniya tungkol sa pakikipagbakbakan at red-tagging ang nakalaang pondo sa task force kundi para sa gawaing bayan tulad ng farm to market road, livelihood assistance, mga eskwelahan at maraming iba pa.
Itinanggi rin ng heneral na nagagamit sa korapsyon ang nakalaang budget.
Kanina, personal na sinaksihan nina De Leon at San Jose Del Monte Bulacan Mayor Arturo Robes ang withdrawal of support ng grupong KADAMAY at Bayan Muna na front organization ng CPP-NPA-NDF sa nasabing lalawigan.