*Cauayan City, Isabela- *Plantsado na ang gagawing kauna-unahang Drug Summit para sa mga ‘Tokhang Responders’ sa Lalawigan ng Isabela kasabay ng pagdedeklara ng ilang mga bayan bilang drug cleared na isasagawa bukas (August 29, 2019) sa Community Center ng Lungsod ng Ilagan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/LtCol. Arnulfo Ibañez, hepe ng PNP Ilagan City ay handang-handa na ang nasabing Lungsod bilang punong abala sa gagawing malaking aktibidades para sa seguridad ng mga partisipante mula sa ibat-ibang bayan sa Lalawigan ng Isabela at mga panauhing pandangal at bisita.
Inaasahang dadalo sa naturang aktibidades ang daan-daang drug responder, mga lokal na opisyal, PDEA, DSWD, PNP at iba pang ahensya ng pamahalaan para sa pinaigting na kampanya kontra iligal na droga.
Inaasahan rin sa Drug Summit ang pananalita at ibabahaging impormasyon nina Isabela Gov.Rodito Albano III, P/Col. Mariano Rodriguez, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) at Police Regional Office 2 Director P/BGen. Jose Mario Espino.