Simula mamayang hatinggabi hanggang alas-5:00 ng madaling araw sa August 16 ay isasailalim sa lockdown ang Brgy. Tanza 1 at 2 sa Navotas.
Ayon kay Navotas City Mayor Toby Tiangco, ang dahilan nito ay ang mabilis na pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa nabanggit na mga barangay.
Sabi ni Tiangco, kamakailan lang ay nagsagawa ng community testing sa lugar at nakita na sa 174 na resulta ng swab tests mula sa Red Cross ay 44 o nasa 25% ang nagpositibo.
Samantala, sa ngayon ay nasa 340 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa Navotas matapos magpositibo ang 22 mga Navoteño.
Inihayag din ni Tiangco na nasa high risk na ang Navotas at nasa “serious surge” ang Metro Manila na ayon sa OCTA Research ay posibleng dahil sa Delta variant.
Dahil dito ay umaapela si Tiangco sa publiko na mag-ingat at sundin ang safety protocols para manatili tayong ligtas sa kapahamakan at ang ating mga mahal sa buhay dahil magnanakaw ng kalusugan at kabuhayan ang COVID-19.