2 Driver, Himas Rehas Matapos Mangmolestiya ng Dalaga

Cauayan City, Isabela- Nahaharap ngayon sa kasong Unjust Vexation at paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang dalawang tsuper makaraang mangmolestiya ng isang 18 anyos na babae sa barangay San Fermin, Cauayan City, Isabela.

Nasampahan na nitong Huwebes, October 21, 2021 ng pulisya sa pamamagitan ng inquest proceedings ang dalawang nahuling suspek na kinilalang sina Joel Agravante, 32 anyos, walang asawa, residente ng Brgy. Sotero Nuesa at George Peter Lucas, 37 anyos, may asawa at residente naman ng Brgy. San Rafael at parehong taga bayan ng Roxas, Isabela.

Nakilala naman ang biktima na si Angel mula sa probinsya ng Bulacan.


Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa imbestigador ng Cauayan City Police Station, Oktubre 20 ay nakatanggap ng sumbong ang himpilan ng pulisya mula mismo sa biktima hinggil sa ginawang pambabastos umano sa kaniya ng dalawang suspek.

Agad na rumesponde ang kapulisan at nagtungo sa Valle St. sa brgy. San Fermin na nagresulta naman sa pagkakahuli ng dalawang inirereklamong tsuper.

Batay sa salaysay ng biktima, patungo umano siya sa Lungsod ng Cauayan mula sa Quezon City para magtrabaho sa isang bar, na kung saan habang siya ay nasa loob ng sinasakyang Van, ay hinawakan at hinimas siya ng dalawang suspek sa maseselang bahagi ng kaniyang katawan.

Sinabihan din umano siya ng mga suspek na ibaba siya sa daan o hindi ihahatid sa pupuntahan kung hindi niya pagbibigyan ang mga ito.

Hindi na lamang umano umimik ang biktima hanggang sa makarating sa Cauayan City at kinuha naman niya itong pagkakataon para magsumbong sa kanyang employer at sa PNP.

Kaugnay nito, habang kinakapkapan ang dalawang suspek, nakuha mula sa pag-iingat nina Agravante at Lucas ang tig-isang sachet ng hinihinalang shabu; 22,000 pesos na cash, mga ID, cellphone at bag.

Ayon pa sa imbestigador, umamin aniya ang dalawang suspek na sila ay gumagamit ng iligal na droga upang hindi umano sila antukin habang nagmamaneho.

Sa kasalukuyan, malamig na rehas na bakal ang hinihimas ng dalawang suspek sa lock-up cell ng PNP Cauayan City.

Facebook Comments