Nangangailangan ngayon ang Department of Education (DepEd) ng 200 teacher-broadcaster para sa mga episode ng DepEd TV.
Ayon kay Education Undersecretary Alain Pascua, dito ay ihahatid ang mga aralin sa pamamagitan ng telebisyon ngayong ipinagbabawal ang face-to-face classes dahil sa banta ng COVID-19.
Aniya, mahigpit ang pagsasanay at workshop na pinagdadaanan ng mga nag-apply sa DepEd pero kaunti lang ang nakapapasa.
Mula sa halos 3,000 nag-apply, nasa 100 lang ang napili at nagshu-shoot na ng mga episode.
Aminado naman ang DepEd na mahirap makapili ng teacher-broadcaster dahil kahit eskperto ang mga ito sa kanilang subject matter, ang hinahanap ng kagawaran ay iyong may personalidad na kayang magturo sa harap ng kamera.
Nasa 130 hanggang 200 episodes ng mga TV lecture ang kailangang i-produce ng mga teacher-broadcaster kada isang linggo o hanggang 5 episodes kada teacher.