Cauayan City, Isabela- Nakapagtala na ng kauna-unahang kaso ng COVID-19 ang bayan ng Roxas sa Lalawigan ng Isabela.
Sa facebook live ni Mayor Jonathan Jose Calderon, kanyang sinabi na ang nagpositibo ay isang 21 taong gulang na babae na galing sa Makati City at nagtatrabaho sa Mandaluyong City.
Dumating ito sa bayan ng Roxas noong July 4, 2020 gamit ang nirentahang sasakyan ng LGU at idineretso sa quarantine facility ng lokal na pamahalaan.
Isinailalim sa rapid test ang pasyente kung saan ay positibo ito kaya’t isinailalim sa PCR Test noong July 5, 2020 at lumabas ang resulta nito noong July 8, 2020 na siya ay positibo sa COVID-19.
Naka-admit at nagpapagaling na ngayon sa Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa Santiago City ang pasyente.
Asymptomatic ang pasyente subalit nagtala ito ng ubo at bahagyang nawalan ng panlasa.
Nabatid na nagkaroon ito ng close contact sa isang nakarekober na COVID-19 patient na nakasama niya sa bahay sa Metro Manila.
Sa ginawang contact tracing ay nasa 17 katao ang natukoy na nakasalamuha nito na kinabibilangan ng isang drayber, dalawang kapamilya, tatlong (3) LSI’s na kasama sa quarantine facility at mga personnel ng RHU.
Dumaan na rin sa swabbing ang mga natukoy na close contacts ng pasyente at hinihintay na lamang ang resulta nito.
Kaugnay nito, pinapaalalahanan ng alkalde ang bawat isa na sundin ang abiso ng local health office, sanayin ang sarili na magsuot ng protective mask, gumamit ng alcohol o sanitizer, obserbahan ang social distancing, pagpapalakas ng resistensya, at lumabas lamang ng bahay kung may mahalagang gagawin sa labas.
Sinabi din ng alkalde na walang dapat ikatakot sa pagkakatala ng bagong COVID-19 case sa bayan dahil wala aniya itong ibang mga nakasalamuha maliban sa 17 na naging close contact nito.