Tuesday, March 10, 2026

22 mangingisdang na-repatriate mula sa Malaysia, binigyan ng tulong para makapangisda muli

Nagpaabot si Senator Erwin Tulfo ng tulong sa 22 mangingisdang na-repatriate mula sa Malaysia matapos ang isang buwang pagkakakulong dahil sa hinihinalang hindi awtorisadong pagpasok sa teritoryo ng naturang bansa.

Iginiit ni Tulfo, chairman ng Senate Committee on Foreign Affairs, ang kahalagahan na muling makabangon at makabalik sa kanilang hanapbuhay ang mga mangingisdang matagal na nakulong sa ibang bansa.

Ang mga mangingisdang nakabalik na sa kanilang mga tahanan sa Rizal, Palawan ay nakatanggap mula sa senador ng mga kagamitan para sa pangingisda tulad ng handheld fish finders, lambat, kawil, at nylon.

Ayon kay Tulfo, ang mga ibinigay na kagamitan ay magsisiguro na makababalik ang mga mangingisda sa paglaot upang muling maitaguyod ang kanilang mga pamilya.

Samantala, para hindi na maulit ang insidente ng “unauthorized entry” sa teritoryo ng ibang bansa, pinaalalahanan ng senador ang lahat ng mangingisda sa lugar na maging mapagmatyag sa international maritime boundaries upang hindi lumampas at makalabag sa batas ng ibang bansa.

Facebook Comments